Written by: Jeff Canoy, ABS-CBN
MAYNILA – Kahit 10 taon na ang lumipas matapos ang hagupit ng bagyong Ondoy, nakatatak pa rin sa ilan ang pinsala nito.
Setyembre 26, 2009 nang dalhin ni Ondoy ang 341 milimetrong ulan – na katumbas ng pang-isang buwan na ulan sa loob ng isang araw.
Dahilan ito para bumaha sa ilang lungsod, anurin ang ilang sasakyan, at ma-stranded ang libo-libong tao. Higit 700 ang namatay sa trahedya.
Aabot sa 23 probinsiya ang isinailalim sa state of calamity, gayundin ang Metro Manila. Natatandaan pa rin ng ilan kung nasaan sila, ano ang ginagawa nila, at ano ang naramdaman nila nang dumaan ang Ondoy.
Kasama rito si Corazon Tosio na taga-Barangay Malanday sa Marikina, isa sa sa mga pinakatinamaang lungsod.
Makikita pa sa kisame niya ang bakas ng putik na pumasok sa kanilang bahay nang maabutan ng baha ang kanilang pamilya.
Gaya ng kanilang kapitbahay, umakyat sila sa bubong para hindi anurin ng baha.
Ito na rin ang hudyat para sa mga lokal na pamahalaan na ayusin ang kanilang disaster response.
‘Mas handa na sa sakuna’
Kabilang sa mga nagawa matapos ang Ondoy ang paglalagay ng early warning system na magbibigay-alerto tuwing malakas ang ulan at tumataas ang nibel ng tubig sa Marikina River, ayon sa alkaldeng si Marcy Teodoro.
Pinakilos din ang hazard maps at ang Project NOAH para matukoy kung aling mga lugar ang ligtas na puntahan sakaling kailangang lumikas.
Nagsasagawa na rin ng dredging sa Marikina River at ipatutupad ang pagkakaroon ng easement sa ilog.
Palalawakin din at palalalimin pa ang ilog, na layong tapusin sa 2025.
“Natural disaster ito so hindi man tayo maging 100 percent (prepared), mabawasan natin ‘yung risk at hazards… We can’t be fully prepared but we are more prepared now,” ani Teodoro.
Si Tosio, natutuhan nang mag-imbak ng nakabalot ng damit sakaling kailangang lumikas.
Hindi na raw kasi mabubura ang alaala ng Ondoy. Ang hamon na lang aniya ay kung paano matututo ang taumbayan dito.