Bumungad sa mga residente ng NCR at mga rehiyon ng CALABARZON, Central Luzon, Cordillera, MIMAROPA, Bicol, Central at Western Visayas, hanggang Northern Mindanao ang walang-tigil na pag-ulan noong Hulyo 24, 2024 dulot ng habagat na pinalakas ng Super Typhoon Carina.
Umaga pa lamang ay nagsimula na ang rescue operations sa mga bahaing komunidad sa Metro Manila at iba pang lugar dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig. Sa datos ng PNP, umabot na sa 34 ang naitalang nasawi, mayorya ay dahil sa pagkalunod, landslide, at iba pang pinsala dulot ng pagbaha.
Ayon sa NDRRMC, umabot sa 1.3 milyon indibidwal o 299,344 pamilya ang apektado sa buong bansa (maliban sa Eastern Visayas), habang tinatayang ₱9.7 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura, ₱6.6 milyon sa mga irigasyon, at ₱1.3 milyon sa imprastraktura. Matinding hagupit ito sa mahihirap na mamamayan, lalo na sa mga kababaihan at bata.
Sa katatapos na State of the Nation Address (SONA), ipinagmalaki ni Pang. Marcos Jr. ang 5,500 flood control projects na natapos sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Umabot sa ₱12.13 bilyon ang inutang ng gobyerno sa World Bank noong 2017 upang isagawa ang Metro Manila Flood Management Project na layuning resolbahin ang pagbaha sa Metro Manila sa pamamagitan ng pag-modernisa sa drainage system at pagsasaayos ng waste collection at disposal system, ito raw ay pakikinabangan ng 3.5 milyong residente sa mga bahaing lugar sa Metro Manila.
Ang ₱255 bilyong badyet na inilaan para rito sa ilalim ng DPWH ay mas malaki pa sa badyet ng Department of Agriculture (₱167B), Department of Science and Technology (₱27B), Commission on Higher Education (₱31B), at State Universities and Colleges (₱106B).
Ngunit dalawang araw matapos ang SONA, nabunyag ang kapalpakan ng mga nasabing proyekto nang kinumpirma ng MMDA na hindi kinakaya ng kasalukuyang drainage system ang matinding pag-ulan dahil 30 mm/hr lang ang kayang i-proseso kumpara sa 74 mm/hr na buhos ng ulan.
Imbis na akuin ang pananagutan, ginamit ni Marcos Jr. ang usapin ng climate change at sinisi ang mga mamamayan na nagtatapon ng basura sa kanilang paligid bilang dahilan ng matinding pagbaha.
Patunay ito na walang malasakit at pagpapahalaga ang gobyernong Marcos Jr. sa mahihirap na pamilya na nalubog sa baha, walang makain, at nasiraan ng maraming kagamitan. Malinaw ang kanyang kapabayaan at pagtalikod sa responsibilidad sa panahon ng kalamidad.Kasalukuyang nakapailalim sa state of calamity ang buong Metro Manila, dapat kagyat na mabigay ang suporta at serbisyo sa mga biktima ng kalamidad.
Kailangang matiyak na ilalaan ang calamity funds sa emergency response katulad ng pagkain, tubig, medisina, maayos na sanitasyon, paglilinis sa komunidad, kasama ang dagliang paghahakot ng mga basura na nakatambak sa mga kalsada, at iba pa.Kailangan ang maagap na pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit lalo na ng diarrhea, leptospirosis, at mga sakit sa balat dulot ng pagkababad sa tubig-baha. Dapat ding matiyak na estable at walang manipulasyon ng presyo ng mga bilihin sa kalakhang Maynila.
Sa nalalapit na budget deliberations, mahalagang makialam ang mamamayan at ipanawagan na pagtuunan ng pansin ang mga programa at flood management interventions na angkop sa sitwasyon ng mga komunidad.
Marapat na matapat na iulat sa mamamayan kung saan at paano ginagamit ang bilyon-bilyong pondo mula sa kaban ng bayan. Kasabay nito, kailangang itigil ang mga mapaminsalang aktibidad ng quarrying, large-scale mining, at reclamation projects ng mga malalaking lokal at dayuhang korporasyon na patuloy na sumisira sa kalikasan at siyang sanhi ng malalang pagbaha.
Kailangang panagutin kapwa ang administrasyong Marcos Jr. at ang nakaraang administrasyong Duterte sa sistematikong kapabayaan at lantarang kawalan malasakit sa mamamayan!Mahigpit na magkaisa at tumindig para ipaglaban ang mga karapatan sa panahon ng krisis at kalamidad!