Signipikante ang Marso 2023 para sa kababaihan, ang tinaguriang National Women’s Month. Ito ang unang pagkakataon, sa panunungkulan ni Ferdinand Marcos Jr., na mailalantad ng kababaihan ang kanilang kalagayan pagkatapos mailuklok sa puwesto ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Noong panahon ng naunang Marcos, makasaysayan ang paninindigan ng kababaihan sa paggigiit ng kanilang karapatan sa panahon ng diktadura. Kahit sa kasagsagan ng Martial Law kung saan bawal ang magtipon at magprotesta, lumabas sa lansangan ang higit 10,000 kababaihang Pilipino, nagmartsa para ipakita ang kanilang pagtutol sa patuloy na tiranya at panunupil. Hudyat ito ng tuluy-tuloy na protesta ng kababaihan, kasama ng mamamayan. Sa mga pagkilos noon, naging kapansin-pansin ang isang placard ng kababaihan: “Pag Hindi Umalsa ang Masa, Walang Tinapay sa Mesa.”
Sa panahon ni Marcos Jr., muling magmamartsa ang 10,000 o higit pang kababaihan lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe at lahat ng mga bayarin sa harap ng pagbagsak ng sahod at halaga ng piso. Sa tanang buhay ng mga Pilipino, ngayon lamang umabot ng hanggang P700 ang kilo ng sibuyas, mahigit P100 kada kilo ng asukal, at P80 kada litro ng diesel. Hanggang sa ngayon, nananatiling pangako ang P20 kada kilo ng bigas.
Mas tumindi ang hamon sa kababaihan sa nagdaang taon. Nakaranas sila ng matinding kagutuman, kahirapan, at karahasan. Hindi naitago ng anumang pagpapalaganap ng disimpormasyon at fake news ang kawalan ng trabaho, kakarampot na sahod, at walang humpay na pagyurak sa karapatan.
To access the full report, email: cwr@centerforwomensresources.org